Monday, March 28, 2011

Sa Iyong Tabi


Bumagsak ang aking mga luha ng makita kita.  Nakapikit na mga mata na tila ba ayaw ng magmulat.  Malambot na katawan na parang pagod na pagod.  Ang buhok na dating laging nakapusod ngayon ay tila ilang araw ng di nasusuklay.  Kinuha ko ang iyong kamay upang magmano, nagmulat ka ng mata at sumilay ang isang pilit na ngiti.  Hinalikan kita sa noo.  Di mo man sabihin nararamdaman kong pagod ka  na.  At muli kang pumikit...


Isang text mula sa aking tita ang biglaang nag pauwi sa amin sa Bulacan.  Tatlong araw na daw ayaw kumain ni Inang (lola ko).  Dala na marahil ng katandaan, 92 na sya, tumaas ang sugar nya at bumaba ang bp.  Nahihirapan na syang lumunok kaya blended foods na lang ang tinatanggap nya.


Hindi ako umalis sa kanyang tabi ng araw na yon.  Sa tuwing magmumulat sya nandun ang pilit na ngiti.  Kinakausap ko sya pero ang tipid ng kanyang mga sagot.


Nasaan na ang Inang ko na laging masaya?  Ang Inang ko na sobrang kulit na pilit kaming pinapupunta sa mesa upang kumain?  Nasaan si Inang na nililibot ang buong baryo upang magrosaryo?  Nasaan si Inang na masungit?


Gabi na ng binalak naming umuwi.  Naawa ako sa kanya, para syang bata na ayaw kaming pauwiin.  Gusto daw nya kaming makatabi pagtulog.  "Inang pasensya ka na may pasok na po kami bukas."  "Kailan kayo babalik?", sinabi nya na halos di na namin marining.


Nagmano ako sa kanya na para bang ayaw ko nang bitiwan ang kanyang mga kamay.  Hinalikan ang kanyang kamay.  Humalik sa kanyang noo at pisngi.  Niyakap ng mahigpit na mahigpit.  Muling humalik sa noo at pisngi.  Nagmano at muling hinalikan ang kamay.  Di ko na mapigilan, tumulo na ang aking mga luha...  hanggang maramdaman ko ang pagpatong ng kanyang kamay sa aking ulo katulad ng ginagawa nya noon bilang bendisyon.  Muli kitang hinalikan sa iyong noo... Mahal na mahal kita Inang...






Chellee

No comments: